Filtered By: Topstories
News

65-anyos na lola, nahuling nagre-repack daw ng iligal na droga


Isang lola na 65-anyos ang kasama sa mga naaresto sa kampanya laban sa iligal na droga. Ang lola, naaktuhan daw na nagre-repack ng bawal na gamot sa Lanao del Norte.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, kinilala ang nadakip na lola na si Aida Cosingan sa Iligan City, Lanao del Norte.

Naaresto rin sina Abubakar Abdulkarim, Poldong Tawagon, Jamali Goling, Naif Ampong at Nasive Lumangko, na naaktuhan daw na gumagamit ng iligal na droga.

Nakuha umano kay Cosingan ang ilang pakete ng hinihinalang shabu.

Bagaman inamin niya na nagbebenta siya noon ng iligal na droga para buhayin ang dalawa niyang apo, pero matagal na raw siyang tumigil.

Samantala, naaresto naman sa Ilocos Norte ang umanoy number 1 drug personality sa bayan ng Banna na si Gaylord Abrogena.

Naaresto rin sina Edmar Agmata, Alden Mark Tolentino at Benedict Lopez.

Nakuha sa kanila ang isang baril at ilang pakete ng hinihinalang shabu.

Isa ring notorious umanong pusher sa Diffun, Quirino ang arestado matapos makipagbarilan daw sa mga pulis.

Number six daw sa drugs watch list sa bayan ng Cabarroguis si Froilando Licyayo.

Sa Calapan City, Mindoro, lima namang drug personality ang inaresto sa sunod-sunod na operasyon ng mga pulis.

Sumuko naman sa Santiago City, Isabela ang 11 drayber ng isang bus company na gumagamit umano ng droga.

Ayon sa mga drayber, ang amo mismo nila ang nag-utos sa kanila na sumuko. -- FRJ, GMA News

Tags: warondrugs, crime