Filtered By: Newstv
NewsTV

Kabataan ng modernong henerasyon, kikilalanin sa 'Reel Time'


Reel Time Presents #GenerationY (The Pinoy Millennials)

 



Selfie Generation. Net Generation. Generation Next. Global Generation. Sila ang henerasyong nakamulatan na ang pagyabong ng Internet. Sila ang mga kabataan sa ating panahon ngayon --- ang “Millennials” o ang mga miyembro ng Generation Y.

Sa mga nagdaang taon, naging mainit na usapin ang Millennials, lalo na’t tila mas maraming negatibong imahe ang nakakabit sa kanilang henerasyon. Nariyang hindi raw sila mabubuhay nang walang wifi o Internet connection. Sila raw ang henerasyon na walang inaatupag kundi ang kanilang mga selfie at OOTD (outfit of the day). Hindi raw nila alam kung ano ang gagawin nila sa kanilang mga buhay kaya naman palipat-lipat sila  ng trabaho. Sa katunayan, sa isang pag-aaral ay lumabas na nasa 40% ng Pinoy Millennials ang may tsansang umalis sa kanilang trabaho pagkaraan lang ng dalawang taon. Mayayabang din daw sila at mapagmalaki. Sa tingin nila, kaya nilang baguhin ang mundo sa isang pitik ng kanilang mga daliri.

Marami pang ibang stereotypes ang nakakabit sa Millennials pero gaano nga ba natin sila kakilala? Nararapat nga bang ikahon silang lahat sa iisang imahe? Sa isang hindi karaniwang pagtatanghal ng Reel Time, kilalanin natin ang ilan sa mga Pinoy Millennial na sumasalamin sa iba pang mga katulad nila:

Mayor-elect Gab del Rosario

Si Gab, record-holder! Sa edad niyang 21, siya ang ikalawang pinakabatang nahalal na alkalde sa postwar Philippines. Tinalo niya ang tatlo pang ibang kandidato sa pagka-mayor sa kanilang bayan sa Bagac, Bataan. Kasalukuyang nag-aaral pa siya ng kolehiyo pero sinisiguro ni Gab na mapagsisilbihan niya ang kaniyang bayan sa kabila nito. Naniniwala rin umano siya na maiibsan ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng edukasyon para sa mga kabataan.

Kyle Capilitan

Isang online businesswoman, naniniwala si Kyle na hindi dapat tayo natatali sa pagiging isang empleyado.  Sa kabila ng kaniyang edad na lagpas 20 anyos, pagkakaroon ng isang anak, at paglipat ng dalawang kurso, natapos din ni Kyle ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.

VMiguel Gonzales

Mahilig ka bang manood at mag-share ng mga viral video sa social media? Malamang, napanood mo na sa isa sa mga ito si VMiguel. Sa ngayon, may mahigit 250,000 followers na si VMiguel sa kaniyang Facebook page. Daan-daang libo rin ang likers niya sa iba pa niyang social media account. Ano nga kaya ang dahilan at nahihilig ang mga kabataan sa “pagtambay” sa social media?

Alfred Malbas

Pero ang imahe natin ng mga Millennial ay madalas nakakahon din sa mga college graduate at may magagandang hanapbuhay o pinagkakakitaang mga kabataan. Ang hindi natin nabibigyang-pansin, ang mga tulad ni Alfred na isa sa mga kung tawagin ay “Invisible Millennial” o mga kabataang nasa poverty line o mahihirap. Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 22.3% ang poverty incident sa mga kabataang Pilipino. Kabilang rito si Alfred at ang kaniyang mga kaibigan na pare-parehong hindi nakatapos ng pag-aaral at walang mga hanapbuhay.

Millennial ka man, Baby Boomer, o GenX-er, ibaba muna ang inyong mga smartphone o libro, tumutok sa telebisyon ngayong 9:15 ng gabi sa GMA NewsTV, at kilalanin pa nang husto ang mga kabataang Pilipino sa Reel Time Presents #GenerationY (The Pinoy Millenials).