Filtered By: Showbiz
Showbiz

Derrick Monasterio sa Bubble Gang cast: 'Bakit ngayon ko lang kayo nakilala'


Very busy ngayon si Derrick Monasterio dahil sa dami ng kaniyang proyekto. Bukod sa upcoming Kapuso series na "Hanggang Makita Kang Muli," na pagtatambalan nila ni Bea Binene, bagong miyembro rin si Derrick ng longest gag show na "Bubble Gang."

Sa "Chika Minute" ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, inalam ni Lhar Santiago kay Derrick kung ano ang tunay na namamagitan sa kanila ngayon ni Bea.

Bukod sa bago nilang soap na "Hanggang Makita Kang Muli," sila rin ni Bea ang magka-partner sa Sunday sitcom na "Vampire Ang Daddy Ko."

Sa kasal nina Vic Sotto at Pauleen Luna, sila rin ang magkasamang dumating at laging magkatabi.

"Parang ano lang, pakiramdaman lang. Pero ang ganda ni Bea ng gabing 'yon eh, iba parang, wow!, Bey, ikaw ba 'yan, Bey?," saad ng binata.

Pero para kay Derrick, trabaho muna ang gusto niyang harapin dahil maraming magagandang nangyayari sa kanyang career.

Nasa cover siya ngayon ng isang glossy magazine kasama ang iba pang male artists tulad nina Andre Paras at Ruru Madrid.

Guest din siya ng sunud-sunod na linggo sa "Sunday Pinasaya" kung saan medyo nanibago raw siya sa unang sabak dahil kinailangan niyang magpatawa at umawit nang live sa harap ng studio audience.

Pero kung mayroon mang gustung-gusto ni Derrick, ito ay ang pagkadagdag niya sa cast ng longest-running gag show ng GMA na "Bubble Gang."

"Magaan saka, naku yung mga tao ro'n, sobrang, sobrang, bakit ngayon ko lang kayo nakilala lahat? Gusto ko lagi silang kasama kasi ang kulit eh, ibang klase," masayang kuwento ni Derrick.

Dagdag pa niya, "Saka walang veteran-veteran. Kahit bago ka, tatanggapin kanila sa family nila." -- FRJ, GMA News