Filtered By: Showbiz
Showbiz
AlDub first kiss sa lips, ibinitin

Hiling ni Yaya Dub, pinagbigyan ni Lola Babah;  Alden-Cindy wedding, 'di natuloy


Napukaw ang puso ni lola Babah sa madamdaming sulat ni Yaya Dub kaya hindi nito itinuloy ang plano na ipakasal ang kaniyang apong si Alden sa Russian model na si Cindy. 

Sa pagsisimula ng kalyeserye nitong Sabado sa Eat Bulaga, pinadalhan ni Yaya Dub ng sulat si lola Babah habang naghahanda sina Alden at Cindy sa kanilang kasal.

Sa sulat, nakiusap si Yaya kay lola Babah na bigyan sila ni Alden ng isa pang pagkakataon na patunay na para talaga sila sa isa't isa. Ayon sa dalaga, ang sulat ay huling paraan niya upang ipaglaban ang damdamin niya kay Alden.

Matapos na mabasa ang sulat, naging emosyunal si lola Babah at pinuntahan si Yaya Dub upang kausapin nang masinsinan. Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay biglang umalis ang dalaga at sumakay sa van.

Napag-alaman na inutusan pala ni lola Babah si Yaya na magtungo sa studio para puntahan si Alden. 

 

Humingi ng paumanhin si lola Babah sa binata dahil sa ginawa nitong pagdikta sa puso nito nang piliting magpakasal kay Cindy.

Dahil hindi na natuloy ang kasal nina Alden at Cindy, inakala naman ni Frankie na sa kaniya babagsak ang Russian model na nagpahayag din noon ng gusto sa kaniya.

Pero nadulas si Cindy habang pababa ng hagdan at nabagok ang ulo na dahilan para magka-amnesia.

Bunga ng aksidente, walang matandaan si Cindy at hindi na rin niya kilala si Frankie kaya bokya pa rin ang love life nito.

Sa studio ng Eat Bulaga, lumakas ang hiyawan nang pormang magki-kiss sa lips sina Alden at Yaya Dub pero hindi natuloy ang paglapat ng kanilang mga labi nang biglang tumunog ang busina na hudyat ng wakas ng episode.

 

 

Ngayong buhay pa rin ang pag-asa ng forever, matuloy kaya sa susunod na linggo ang inaabangang first AlDub kiss sa lips para opisyal nilang ideklara na sila na? Abangan. -- FRJ, GMA News

Tags: aldub, kalyeserye