Filtered By: Showbiz
Showbiz

WATCH: Mga contestant sa 'To The Top', sasabak na sa group performance


Umiinit na ang labanan sa "To The Top", ang  pinakabagong multi-platform reality talent search television program ng GMA ngayong 25 kalahok na lang ang natitira upang magtunggali at umasang mapabilang sa kauna-unahang boy band ng Kapuso Network.
 
Ayon sa ulat ni Cata Tibayan sa '24 Oras' nitong Linggo, nalampasan na ng mga hopefuls ang Level 1 Auditions at ang high-profile photoshoot kasama ang sikat na photographer na si Mark Nicdao para sa Level 2.
 
Ngayon, nakatakda nang sumabak sa Level 3 ang mga kalahok kung saan magkakaroon sila ng group performance, at mula doon ay pipili ang mga hurado ng mga mapapalapit pa sa kanilang pangarap na mapabilang sa first Kapuso boyband.


 
 
Kabilang sa mga hurado ng “To The Top” ang pinakamagagaling na mang-aawit at musical artists sa bansa, gaya na lamang ng batikang composer na si maestro Ryan Cayabyab, art director at musical director na si Moy Ortiz, kasama sina OJ Mariano at Sweet Plantado ng premier vocal ensemble na 'The Company.'
 
Magsisilbi namang host ng naturang palabas ang Dance Prince ng GMA na si Julian Trono.
 
Ayon sa mga judge ng programa, hinahanap nila sa kalahok ang mga talentong maaaring maihalintulad o lumamang pa sa ipinapamalas na husay ng K-Pop trained Kapuso artist na si Julian.
 
Maaaring masubaybayan ang programa sa mga susunod na webisodes sa www.gmanetwork.com/tothetop.  Pagkatapos ng screening process, matutunghayan ang kompetisyon sa GMA Network sa darating na July 2015.
 
Bukod diyan, magiging kabahagi rin ang netizens ng journey ng 25 'To The Top' hopefuls ngayong maaari nang bumoto sa pamamagitan ng pag-log in sa www.gmanetwork.com/ToTheTop o magpunta sa Facebook page na www.facebook.com/GMAToTheTop.  — Bianca Rose Dabu/ELR, GMA News
Tags: boyband, tothetop