Filtered By: Topstories
News

Pulisya, nakipag-ugnayan sa S.Korea embassy para madakip ang 8 Koreans na sangkot daw sa gang rape


Nakikipag-ugnayan na ang Pampanga police sa South Korean Embassy upang makatulong sa paghahanap sa walong Korean nationals na umano'y nanggahasa sa isang 22-anyos na Pilipina sa Angeles city.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa Balitanghali nitong Martes, inakusahan ng 22-anyos na Pilipina ang walong Korean national na umano'y umabuso sa kaniya. Puno ng mga pasa sa katawan ang biktima, at mayroon ding mga paso at galos sa leeg at mga paa.
 


Tinukoy ng biktima ang isa sa mga suspek bilang si "Mr. Lee," na nakilala raw niya sa internet at humikayat sa kaniya na magkita sila nang personal.
 
Kuwento ng biktima, matapos nilang kumain at uminom, dinala raw siya ni Lee sa isang bahay kung saan nakita niya ang pito pang Koreano na nag-iinuman.
 
Pinainom daw siya ng mga suspek at pagkatapos ay piniringan at halinhinang hinalay. Pinaso rin daw siya ng lighter at pinasukan pa ng bote sa maselang bahagi ng katawan.
 
Hindi pa raw dito natapos ang pagpapahirap sa kaniya dahil dinala pa siya ni Lee sa isang hotel at muli siyang ginahasa.

Nagawa lang umanong makatakas ang biktima nang makatulog na ang suspek.
 
Bagaman hindi nakunan sa closed-circuit-television-camera sa hotel nang dalhin siya rito ni Lee, nakunan naman ang pagpasok ng suspek sa ibang oras kasama ang isang lalaki at ibang babae.
 
Patuloy na naghahanap ang pulisya ng iba pang kuha ng CCTV upang makatulong sa pagkilala sa mga suspek.
 
Samantala, inihayag naman ng Women's Desk ng Angeles City Police na positibong nagalaw ang biktima base sa resulta ng pagsusuri ng mga duktor.
 
Nakikipag-ugnayan ngayon ang Pampanga Police sa South Korean Embassy upang makatulong sa paghahanap sa mga suspek.

Ang ama ng biktima, hustisya ang panawagan para sa sinapit ng anak.

"Bigyan ng katarungan ang anak ko para makaganti man lang yung anak ko kung ano ang nararapat," pahayag nito sa hiwalay na ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas. -- FRJ, GMA News
 
 

Tags: rape