Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Batang Balau,' dokumentaryo ni Kara David, ngayong Sabado sa 'I-Witness'




“BATANG BALAU”
Dokumentaryo ni Kara David
June 13, 2015

 
Dalawang araw bago ang pasukan, abala pa rin sa paghahahapbuhay ang magkakapatid  na sina Dizza, James, at JR. Ito kasi ang nakikita nilang paraan para manatiling buo ang kanilang musmos na pamilya. Trese anyos lang si Dizza, pero siya na ang tumatayong magulang para sa kanyang mga nakababatang mga kapatid. Nitong Pebrero lang, namatay ang kanilang ama. Ang kanilang ina naman, matagal na silang iniwan; sanggol pa lang ang bunsong si JR noon.

Naghahanapbuhay ang magkakapatid sa pamamagitan ng pagbabalaw o ang pagkuha ng dagta sa puno ng Balau. Isa itong mahabang proseso na inaabot ng isang linggo. Una muna nilang inuukitan ng butas ang puno at pagkatapos ay nililiyaban para maglabas ng dagta. Matapos ang isang linggo, babalikan nila ang puno para kolektahin ang naipong dagta at saka ibibenta. Tuwing Sabado at Linggo pumupunta ang magkakapatid sa gubat para tumulong sa pagbabalaw. Kumikita sila ng P25 kada araw, sapat lang para makabili sila ng kalahating kilo ng bigas. Ano mang natirang pera, iniipon ito ni Dizza nang mapaaral ang sarili at mga kapatid.



Marami nang nagtangkang umampon sa magkakapatid pero tinanggihan nila ang mga alok. Kabilin-bilinan kasi ng ama nila bago ito mamatay na huwag silang maghihiwalay. Hanggang kailangan kaya ito mapaninindigan ni Dizza?  Kayanin pa kaya niyang pasanin ang responsibilidad ng pagtataguyod at pagpapaaral sa sarili at sa mga kapatid?

Mapapanood ang “BATANG BALAU” sa I-Witness (GMA 7) ngayong Sabado, June 13, 2015,  pagkatapos ng Celebrity Bluff. Para sa mga komento, i-tweet si Kara David, @karadavid at I-Witness, @IWitnessGMA.