Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jinkee Pacquiao, patuloy na ipinagdarasal na magretiro na ang mister na si Manny


Gaya ng matagal na niyang hiling, patuloy na ipinagdadasal ng maybahay ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao na si Jinkee ang pagreretiro ng kaniyang mister sa boxing matapos ang tinaguriang 'fight of the century' kontra kay Floyd Mayweather na naganap nitong Mayo.
 
Sa isang panayam kay Connie Sison nitong Miyerkules nang makabalik na ang pamilya Pacquiao sa Pilipinas mula Los Angeles, California, iginiit ni Jinkee na walang nagbago sa hiling niya sa asawa hinggil sa karera nito sa boxing.
 
“'Yung unang prayer ko is sana mag-retire na si Manny, at gusto kong maging simple na lang ang buhay namin. Spend time with the family, sa mga anak ko. Kumbaga, naranasan na namin maging public servant. Si Manny, wala na siyang kailangang i-prove pa sa sarili niya kasi kahit na natalo siya, champion pa rin siya sa puso ng mga tao. Hindi lang sa boxing. Mas gusto ko na ngayon ang simpleng buhay naman,” aniya.
 
Dagdag pa ng maybahay ni Pacman, hindi niya itinatangging mahirap maging asawa ng isang Manny Pacquiao, ngunit nagpapasalamat siya dahil napatatag siya ng ilan taon nilang pagsasama at pagharap sa hamon ng buhay.
 


Matatandaang isang araw matapos makumpirma ang pinakaaabangang laban noong Pebrero, ipinahayag na ni Jinkee ang hiling niya na maging huling laban na ito ng asawa.
 
“After this, mag-retire na siya kasi ito lang naman talaga ang hinihintay ng lahat, at syempre hinihintay rin niya. Gusto niya talagang makalaban si Mayweather kaya siya nga ang unang pumirma. Mag-retire na sana siya after,” hiling ni Jinkee.
 
Noong nakaraang taon din matapos ang panalo ni Pacman kontra kay Timothy Bradley, inihayag na ni Jinkee na ang hangarin niyang mag-retire na ang mister sa boxing.  
 
Hindi pa nagbibigay ng reaksyon si Manny hinggil sa hiling ng kaniyang asawa ngayong patuloy pa rin siyang nagpapagaling mula sa operasyon sa kaniyang kanang balikat.
 
Kuwento ni Jinkee, “First surgery niya 'yan sa buong buhay niya, kaya minsan mainit lang ang ulo niya kasi hindi nga siya sanay sa ganyan. Pero kailangan kasi. Okay naman overall kasi naaalagaan ko naman siya.”
 
Nagpapasalamat naman si Manny sa mga patuloy na sumuporta sa kaniya at sa mga patuloy na naniniwalang nagwagi siya sa laban nila ni Mayweather.
 
“Nagpapasalamat ako sa mainit na pagsalubong ng mga kababayan natin, pati na sa pagkakaisa, suporta, dasal. Napakalaking bagay sa akin niyan. Isa sa mga nakapagbigay ng encouragement para ako ay magpursigi,” aniya. -- FRJ, GMA News