Filtered By: Showbiz
Showbiz

Keanu Reeves, gustong kunin si Pacquiao na judge sa ilulunsad niyang reality show


Posibleng mapapanood sa isang reality show sa Amerika si Pambasang Kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao kapag tinanggap nito ang alok ng Hollywood actor na si Keanu Reeves.

Sa ulat ng GMA late night news Saksi nitong Biyernes, sinabing nais daw ni Keanu na kuning hurado si Pacquiao sa ilulunsad nitong reality TV show na Bruce Lee project.



Ang isa raw pagkakatulad nila ni Pacquiao ay pagiging pareho nilang idolo ang namayapang martial expert na si Bruce Lee.

Napanood na raw  ni Keanu ang video ni Pacquiao na nag-ala Bruce Lee.

Pero pag-uusapan daw nila ang naturang proyekto kapag natapos na ang laban ni Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr.

Si Keanu ang pinakabagong Hollywood celebrities na bumisita kay Pacquiao sa US na naghahanda sa kanilang laban ni Mayweather na magaganap sa May 3 (Manila time). -- FRJ, GMA News

Tags: keannareeves