Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dingdong, kasama ni PNoy sa Malaysia; pero babalik agad dahil kay Marian


Nagkuwento si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes tungkol sa pagbubuntis ng misis niyang si Primetime Queen Marian Rivera. At dahil sa kalagayan ni Marian, hindi ito kayang iwan nang matagal ni Dingdong.

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing pupunta si Dingdong sa Malaysia sa Lunes para dumalo Asean Summit kung saan makakasama niya sa Pangulong Noynoy Aquino.

Kakatawanin ni Dingdong ang Kabataang Pinoy sa pakikipagpulong ng youth delegates ng Asean member countries.



"Magkakaroon ng dialogue at activity kung saan malalaman natin at maibibigay at maise-share natin yung mga youth development plan ng Asean countries," anang aktor.

Lunes ng umaga ang alis ni Dingdong pero kinagabihan ay babalik din siya sa bansa. Hindi raw kasi niya puwedeng iwan ang misis niyang si Marian rivera na nasa unang trimester ng pagbubuntis.

"She's doing ok. Normal naman ang pinagdadaanan niya kagaya ng lahat ng mga buntis ng ganu'ng klaseng stage. But we make sure that parating komportable siya so masaya, masaya dahil lahat ng mga sinasabi sa aming expected na mangyari, eh nangyayari sa kaniya," pagbahagi ng aktor.

Iba-iba raw ang gustong kainin ni Marian. Ngayon ay hindi raw ito masyadong mahilig sa matatamis. Tila si Dingdong daw ang pinaglilihian ng aktres dahil lagi niya itong gustong makita.

"Hindi ko alam kung iyon ang tawag du'n pero basta I make sure that I'm always there for her," ayon sa aktor.

Sa ngayon,  tuloy-tuloy ang taping ni Dingdong para sa "Pari Ko'y."  Isang big family ang turing niya sa set lalo na raw sila ng child star na si David Remo.

"Ang saya lang na nasa trabaho ka at kasama mo yung talagang matatalik mong kaibigan at nagkakaroon ka ng mga panibagong kaibigan, lalo na si David," ani Dingdong.

Dagdag niya, "Ako talagang pagkatapos nito, magkaka-separation anxiety siguro ako sa kaniya."