Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Nagpunta sa kasayahan, nauwi sa kamatayan: The Laguna rape-slay case


Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, pagkatapos ng Startalk at bago ang 24 Oras Weekend sa GMA-7. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts. Para sa updates ng inyong mga paboritong dokyumentaryo, sundan din ang GMA Public Affairs Facebook.  



Nagpaalam lang ang 17-anyos na si Jamaica Vegas ng Pangil, Laguna na magpapa-load siya para sa kaniyang cellphone. Binigyan pa nga siya ng nanay niyang si Magdalena ng P20 at binilinang bumalik agad.

Pero hindi na nakabalik si Jamaica o kilalang Mica sa kaniyang mga kamag-anak at kaibigan. Ika-29 ng Mayo noong nakaraang taon, apat na araw matapos siyang umalis ng bahay at mawala, natagpuan na lang ang dalaga na isa nang malamig na bangkay – hubo’t hubad, nakatali ang mga kamay, may busal sa bibig at may indikasyong ginahasa.

 
Ano ang nangyari kay Mica at sino ang may kagagawan ng karumal-dumal na krimen?
 
Iniingat-ingatang anak
 
Pang-apat sa walong magkakapatid si Mica. Ayon kay Magdalena, simula pa man daw pagkabata ay maselan na ang kalusugan ng kaniyang anak kaya higit niya itong pinagtuunan ng pag-aaruga.
 
“Tatlong araw lang (matapos siyang ipinanganak), dinala ko na siya sa ospital. Umabot po kami nang may hanggang dalawang buwan sa ospital sa Sta. Cruz. Naka-incubator pa po siya nun. Nagkaroon siya ng impeksiyon sa dugo,” paglalahad ni Magdalena.
 


Pero kinalaunan, lumaking masigla at malusog si Mica. Bukod sa pagiging mabait at responsableng anak, aktibo rin sa eskuwela ang dalaga. Sa katunayan, ayon sa nakatatanda niyang kapatid na si Genevieve, madalas silang sumali sa mga dance contest sa kanilang lugar.
 
Katulad ng ibang dalaga na kaniyang ka-edad, mayroon na ring kasintahan si Mica. Ayon kay Magdalena, isang lalaking taga-Maynila raw ang madalas ka-text ni Mica.
 
Nakipagtanan?
 
Noong hapon ng siya’y mawala, nakatanggap ng isang text message si Mica. At dahil alam naman ni Magdalenang may kasintahan ang anak, hindi na rin siya nag-usisa nang hiramin ni Mica ang cellphone niya at humingi ng pampa-load para rito. 
 
Agad niyang binigyan si Mica ng P20 at binilinan pa itong bumalik agad. Pero ito na pala ang huli nilang pag-uusap ng dalaga.
 
Ilang oras ang lumipas pero hindi pa rin umuuwi si Mica. Sa katunayan, nakatulugan na ni Magdalena ang paghihintay sa anak. At bandang alas-tres ng madaling araw, nagising siya pero wala pa rin ang dalaga. Hindi na siya nakatulog pa sa pag-aalala, hanggang sa pagsapit ng umaga.
 
“Paglabas ko, nagtanong-tanong na ako. Hinanap ko siya sa mga  pinsan niya. Tinanong ko kung doon natulog si Jamaica sa kanila. Pero ang sagot nila, hindi nila nakita si Jamaica,” pagkukuwento ni Magdalena.

 
Samantala, may haka-haka ang ilan sa kanilang kapitbahay na maaaring sumama lamang si Mica sa nobyo. Pero hindi kumbinsido si Magdalena na nakipagtanan ang anak.
 
“Sabi ko, hindi ganoon ang anak ko,” sabi ni Magdalena.
 
Sa loob ng apat na araw, bigo sina Magdalena at Genevieve sa paghahanap. Pero isang text message ang natanggap ni Genevieve mula sa isang malapit na kaibigan ni Mica.
 
Ayon sa kaibigan ng dalagita, nakapag-text pa raw si Mica sa nobyong taga-Maynila noong araw na nawala siya.
 
“Nag-text daw po ‘yung anak kong si Jamaica doon sa boyfriend niya. Ang sabi raw ng text: ‘Mahal nandito ako sa mataas na lugar. Hindi ko alam ang lugar na ‘to, kung ano ‘to, kung saan ‘to. Hindi ko na alam ang gagawin. Hindi sa pinag-aalala kita, pero hindi ko alam kung anong gagawin ko,’” pagkukuwento ni Magdalena.
 
Bangkay sa bangin
 
Ika-29 ng Mayo noong nakaraang taon, dalawang lalaki ang abalang naghahanap ng kahoy sa bulubunduking bahagi ng Paete, Laguna. Sa kanilang pangangahoy malapit sa may bangin, isang kagimbal-gimbal na bagay ang tumambad sa kanila – bangkay ng isang babae ang kanilang natagpuan. At agad nila itong ipinagbigay-alam sa mga otoridad.
 
Ayon sa Paete Police, malahayop ang nangyaring pagpaslang sa natagpuang babae - hubo’t hubad, nakatali ang mga kamay, may mga sugat at may nakapasak na tela sa bibig. Posible rin daw na ginahasa ang biktima.
 
“Pagkakakita lang naman sa biktima ay may posibilidad na ni-rape siya. Siyempre, sa tagal na almost four days, stage four decomposition na ‘yung katawan,” paglalarawan ng rumespondeng pulis.
 
Noong mga oras na iyon, palaisipan sa mga otoridad ang pagkakakilanlan ng natagpuang biktima. Pero dahil nakarating sa Paete Police ang tungkol sa pagkawala ni Mica sa bayan ng Pangil, minabuti nilang ipasundo si Magdalena upang kumpirmahin kung si Mica nga ang natagpuang bangkay.
 
“Nagluluto na po ako noong hapon nang may kumatok, may pumarada pong service ng barangay. Sabi nila, ‘Ate, halika sumama ka sa amin kasi nakita na namin ang anak mo.’ Nung sinabi nila iyon, nablangko ‘yung utak ko. Kasi, kung nakita po nila ang anak ko, bakit po hindi kasama?” ani Magdalena.

 
Kasama ang Paete Police, pinuntahan nila ang tinutukoy na lugar kung nasaan daw si Mica. Madilim at liblib na daan ang tinahak ng kanilang sasakyan.
 
At halos gumuho raw ang mundo ni Magdalena nang makita ang kalunos-lunos na sinapit ng anak.
 
Mula kasayahan sa kamatayan
 
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, dumiretso raw si Mica sa isang kasayahan sa bayan ng Pangil, bandang alas-nuwebe ng gabi, matapos magpa-load. 
 
Base pa sa mga saksi na nakausap ng mga pulis, kasama ng dalagita ang isang kaibigang lalaki pero umalis din daw ang dalawa bandang alas-diyes ng gabi.
 
Sa sinumpaang salaysay ng isang saksi, isang pulang motorsiklo ang gamit ng kaibigang lalaki noong gabing umalis sila ni Mica. At ayon pa sa isang testigo, isa pang lalaki ang kasama nila na sakay rin ng motor.
 
Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga otoridad na maaaring sumama si Mica sa dalawang lalaki para pumunta sa isang liblib na lugar sa Paete na kilala sa tawag na Tatlong Krus.

 
Ayon sa mga operatiba, maaaring may kinalaman ang pagsama rito ni Mica sa kagustuhan niyang sumali sa isang samahan. At maaari rin daw na isang initiation rite pala ang pinuntahan ng dalaga.
 
Base pa rin sa pagsisiyasat ng mga pulis, pinagtulungang igapos ang mga kamay ng dalaga at ang ipinantali sa kamay at ipinang-busal sa bibig ng biktima—mismong mga damit panloob niya! Dagdag pa nila, hindi lamang iisa ang gumahasa kay Mica.
 
Huli sa Facebook
 
Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang Paete Police para matukoy ang huling kasama ni Mica. Isa sa kanilang siniyasat ang Facebook account ng biktima.
 
Positibong natukoy ng pulisya ang 21-anyos na si James dela Rama na huling naka-chat ni Mica bago siya mawala. Base rin sa testimonya ng mga saksi, si James diumano ang nagmaneho ng pulang motor kung saan umangkas si Mica noong gabing mawala siya.
 
Ayon sa kaibigan ng biktima na si Lovely, itinuturing ni Mica na malapit na kaibigan si James. Madalas daw niyang nakikitang magkasama ang dalawa.
 
Sa pinagsama-samang testimonya at ebidensiyang nakalap mula sa social media ng mga pulis, sinampahan ni Magdalena ng reklamong rape with homicide ang pangunahing suspek na si James dela Rama. Pero dahil lagpas na sa tinatawag na Reglamentary Period o 36 na oras mula sa pagkakatuklas sa biktima, kinailangan muna ang warrant of arrest mula sa korte para mahuli ang suspek.

Nito lamang ika-5 ng Marso 2015, halos isang taon matapos ang krimen, lumabas ang warrant of arrest laban kay James. At agarang siyang inaresto ng mga operatiba ng Pangil Police. Kasalukuyang nakapiit sa tanggapan ng pulisya ng Pangil ang suspek.
 
Sa panayam ng imbestigador kay James, itinanggi niyang siya ang gumawa ng  krimen. Aniya, imposible niyang magawang paslangin ang malapit na kaibigang si Mica.
 
Pero mariin man ang pagtanggi niya sa mga paratang, kumbinsido ang mga pulis na may kinalaman siya sa krimen.

Nakabiting hustisya
 
Sa pagkakahuli sa pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay kay Mica, pansamantalang naibsan ang hinagpis ni Magdalena at ng kaniyang buong pamilya.
 
Pero para sa kanila, hindi lubos ang hustisyang natanggap. Katarungan pa rin ang kanilang isinisigaw, lalo na’t nasa laya pa rin ang iba pang maaaring kasabwat sa karumal-dumal na krimen.
 
Ang tanging hiling ni Magdalena sa mga may nalalaman tungkol sa kaso, “Makipagtulungan po sila para malutas na ‘yung kaso ng anak ko kasi mag-iisang taon na. Hindi lang po isa talaga ang gumahasa sa anak ko. Hangga’t may nakakawala pa, malamang po manganganib din ang kanilang mga anak.”
 
Kung mayroon kayong impormasyon sa pagkakakilanlan ng iba pang salarin, maaaring makipag-ugnayan sa Paete Police sa mga numerong (049)-501-7382 at sa Imbestigador sa numerong 333-7161. —Carlo Isla/BMS