Filtered By: Showbiz
Showbiz

Willie Revillame to host game show ‘WowoWin’ in return to GMA Network


Isa nang ganap na Kapuso ang batikang TV host na si Willie Revillame matapos pumirma ng kontrata sa GMA Network nitong Biyernes, kasama ang ilan sa executives ng Kapuso Network sa pangunguna ni chairman at chief executive officer Atty. Felipe L. Gozon.

Ayon kay Willie, masaya siyang nagbabalik sa network kung saan nagsimula ang kanyang career. Matatandaang co-host siya noon sa programang 'Lunch Date' na pinangunahan ni Randy Santiago.

“Dito naman talaga ako nagsimula. This is where I really belong, but the excitement is not for me, pero doon sa mga tao. Especially 'yung mga kababayan natin na na-miss ko. Araw-araw ko 'to ginagawa for nine years, and nagbabalik ako ulit para sa kanila,” aniya.
 
Kwento ng TV host, naging matagal nang usapan at diskusyon hinggil sa kanyang pagpirma ng kontrata sa GMA, ngunit sa huli ay nanaig pa rin ang pagnanais niyang magbalik kung saan siya nagsimula.
 
Ilan sa mga isinaalang-alang ang mga naging problema ni Willie sa ilang Kapuso personalities.
 
“Matagal ang naging pag-uusap dahil inayos mabuti. Inaral naming mabuti at saka pinakiramdaman ko kung talagang magiging welcome ako dito. Tinanong nila 'yung mga taong nagkaroon ako ng problema dati. Naging open ako sa kanila,” kwento niya.
 
Matapos ang higit sa isang taong pamamahinga mula sa showbiz, sa kanyang pagbabalik, ilulunsad ni Willie ang game show na 'WowoWin,' kung saan muli siyang magbibigay ng saya at mga bigating papremyo sa mga Pilipino.
 
Kabilang sa mga ipamimigay rito ang milyon-milyong piso, house and lot at mga sasakyan at iba pang pangkabuhayan.
 
Pahayag ni Willie, “Una sa lahat, mahalaga 'yung importansya para sa mga kababayan nating kapus-palad. Ang programang ito ay 'WowoWin.' Sila ang winner dito. Doble ang saya. Importante sa programa ay nagsasayaw kayo, kumakanta kayo, nakikita mo na nagsasaya ang lahat, at nagbibigay ka ng mga papremyo na hindi basta-basta.”
 
Magkakaroon din ng segment na pinamagatang 'Bigyan ng Jacket 'Yan' mula sa mga katagang pinasikat ng TV host, at ang 'Willie of Fortune' segment kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na magbahagi ng kwento ng kanilang buhay.
 
“Walang drama-drama, katotohanan lahat. Walang action, walang cut kasi sila ang magbibigay ng tunay na istorya ng buhay. Makikinig lang kami, at kung kaya naming magbigay ng tulong, gagawin namin,” dagdag pa ni Willie.
 
Bukod pa sa mga nabanggit, layon din ng programang magbigay ng saya at pag-asa sa mga Pilipinong kapos-palad at sa mga naging biktima ng mga mapapait na kaganapang nangyayari ngayon sa bansa.
 
“Pinakaimportante dito 'yung ngiti at saya ng ating mga kababayan, lalong-lalo na ngayon dahil sa mga nangyayari sa buhay natin. Medyo maraming pinagdadaanan ang bansa natin, so I think ito ang pinakagamot sa kalungkutan, sa hinanakit, 'yung mapangiti natin ang ating mga kababayan,” ayon sa TV host.
 
Mapapanood ang 'WowoWin' tuwing Linggo, ngunit umaasa si Willie na magkaroon siya ng pagkakataong makapagpasaya araw-araw.
 
Aniya, “Kapag naging okay, nasa sa inyo po 'yan kung magiging maganda ang takbo ng programa, maaari itong gawing araw-araw para sa ating mga kababayan. We have Eat Bulaga sa noon time. Maybe before mag-primetime, we can have WowoWin.”
 
Bukod sa mga Pilipino sa bansa, mapapanood din ang programa sa ibang bansa sa pamamagitan ng GMA Pinoy TV.
 
Makakasama niya rito si Randy Santiago bilang direktor, habang inaabangan pa ang pag-aanunsyo ng kanyang mga magiging co-host.
 
Magkakaroon din ng audition ang programa para sa mga dancers nito. 
 
Iaanunsyo sa mga susunod na araw ang iba pang detalye hinggil sa 'WowoWin,' kabilang na ang co-hosts, audition para sa mga dancer, petsa ng pilot episode, oras ng programa tuwing Linggo, at ang lokasyon ng studio kung saan maaaring magtungo ang mga Pilipinong nais maging bahagi ng live audience. — RSJ, GMA News