Filtered By: Showbiz
Showbiz

Romeo Vasquez, hindi inasahan na mag-aartista ang mahiyaing anak si Liezl


Kahit hindi sa kaniya lumaki ang anak na si Liezl Martinez, sinabi ng dating aktor na si Romeo Vasquez na naging malapit naman sila sa isa't isa.

Ayon kay Romeo, nagkakausap sila sa telepono ni Liezl at nagpapadala rin ito sa kaniya ng text messages na madalas daw ay may halong pagbibiro.

Si Liezl ang tanging anak nina Romeo at dating aktres na si Amalia Fuentes.

Dalawang taon pa lamang si Liezl nang maghiwalay sila Romeo at Amalia.

Mula noon ay lumaki si Liezl sa pangangalaga ng kaniyang ina, habang nagtungo at nanirahan na sa Amerika si Romeo nang hindi na ito naging aktibo sa showbiz.



Kahit nasa Amerika siya, inaalam at kinakamusta raw siya ng anak. Hindi raw niya binura ang text message sa kaniya ni Liezl nang minsan na inakala ng anak na nadala siya sa ICU sa isang ospital.

Umuwi sa bansa kamakailan si Romeo dahil sa pagpanaw ni Liezl mula sa sakit na breast cancer na ilang taon din niyang nilabanan.

Ayon kay Romeo, hindi niya inakalang magpapatuloy noon sa showbiz ang anak.

"Actually wala siyang hilig mag-artista," ani Romeo, sabay sabing sadyang mahiyain din daw si Liezl.

Nang pumasok na ang anak sa pag-artista, pinayuhan daw niya ito na galingan para hindi makagalitan ng direktor.

Unang nakilala si Liezl bilang child star na si "Anna Lisa," at naging karibal sa showbiz ng isa pang child star noon na si Snooky Serna. (Trivia: Unang nakilala si Liezl Martinez bilang child star na si Anna Lissa)

Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabi ni Snooky na kahit pinagtatapat sila noon ni Liezl, lumaki naman sila magkabigan. -- FRJ, GMA News