Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Apartment,' dokumentaryo ni Howie Severino, ngayong Sabado sa 'I-Witness'




“APARTMENT”
Dokumentaryo ni Howie Severino
February 7, 2015
 
Para sa milyun-milyong patay sa mga pampublikong sementeryo, hindi pa ito ang kanilang huling hantungan.
 
Kadalasang sa maliliit at patong-patong na konkretong nitso, na kung tawagi'y "apartment," umuupa ng pansamantalang himlayan ang mga namayapang kapus-palad na walang pambili sa kakarampot na espasyo ng lupaing mapaglilibingan.
 
Matapos ang ilang taong kontrata sa mga apartment, tatanggalin na ang mga labi, isisilid sa kani-kaniyang sako at hihintaying balikan ng mga kaanak upang mailipat ng himlayan.
 
Subalit karamihan sa mga namayapa ay nalimutan na o 'di kaya'y tinanggal nang 'di nalalaman ng kanilang mga pamilya.


 
Kamuntik nang ganito ang kahantungan ng labi ni Adrian Lapeña, apat na taong gulang na batang lalaking yumao noong 2009.
 
Pinasok nina Howie Severino at ng kaniyang pangkat ang Navotas City Cemetery upang idokumento ang halos araw-araw na pagtanggal ng mga labi mula sa mga apartment.
 
Nagkataong sila ang nakasaksi sa pagtanggal ng mga labi ni Adrian mula sa apartment at doo'y napaisip kung bakit hindi siya binalikan ng kaniyang pamilya.
 
Hinalughog nila ang syudad upang mahanap ang pamilya ng bata at nalaman ang isang nakapanlulumong katotohanan kasabay ng isang matalim na paalala na ang bawat nagagambalang mga labi ay may malalim at emosyonal na istorya.
 
Huwag palalampasin ang "Apartment," dokumentaryo ni Howie Severino, ngayong Sabado sa I-Witness, pagkatapos ng Celebrity Bluff sa GMA.