Chasing the Pope, parang pag-ibig lang

Guia Roa S. Soriano

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Chasing the Pope, parang pag-ibig lang
Parang pag-ibig, kung para sa iyo talaga gagawa ng paraan ang tadhana para magtagpo kayo

Taga-Bulacan kami. Kung tutuusin puwede sana kaming mag-abang na lang sa kahabaan ng kalye ng Maynila o di kaya ay pumunta sa Misa sa Quirino Grandstand. Pero naisipan ng tiyahin kong mas malaki ang tiyansa naming makita ang Santo Papa kung maglalakbay kami papuntang Tacloban. (Salamat sa tiyahin ko at all-expenses paid ang karanasang ito na makita ang Santo Papa). Parang pag-ibig, maglakbay ka lang, malay mo nasa ibang lugar pala ang tsansa mong makita ang laan para sa iyo.

Gabi bago dumating sa Tacloban ang Santo Papa, nasa airport na kami para maghintay ng mahigit sa labindalawang oras. Parang pag-ibig, dapat handa kang maghintay gaano man katagal.

Sa grounds ng Tacloban Airport lang kami nakatayo o nakaupo. Walang silyang laan para sa mga pinalad na pilgrims na makapasok sa quadrants. Diskarte mo na kung paano ka tatagal na maghintay hanggang kinabukasan. Noong lumalalim na ang gabi, ilang mga kasamahan namin ang nahihiga na sa simento.

Yung iba may dalang pansapin, yung iba tanging kapoteng suot ang naging sapin. Nung nararamdaman kong hindi ko na kaya, pabiro kong tinanong ang pinsan ko, “Diego, ikakahiya mo ba ako kapag nahiga ako dito?” Pabiro rin siyang sumagot ng, “Oo, ikakahiya kita.”

Bandang huli, wala na rin akong naging pakialam sa sinabi niya, pinagbigyan ko ang sarili kong matulog sa semento para mapagtagumpayan ang gabi. Parang pag-ibig, hindi naman tayo dapat laging nakikinig sa sinasabi ng iba. Ang mahalaga ay ginagawa ang makakaya para mapagtagumpayan ang pag-ibig.

Sa paglalim ng gabi tumindi rin ang lamig ng simoy ng hangin. Pinaghalong hangin sa madaling-araw at hangin ng bagyong paparating. Panaka-naka ang ambon at may mga pagkakataon pang talagang lumakas ang ulan. Pero lahat iyon ay hindi alintana ng mga taong naghihintay dahil determinado silang makita ang Santo Papa. Parang pag-ibig, anumang bagyo at unos ang dumating, mapagtatagumpayan ang pag-ibig kung magdedesisyon kayong hindi susuko.

Nung nag-umaga na at nalalapit na ang oras ng pagdating ng Santo Papa sa Tacloban, bawa’t may makitang eroplano na dumaan o dumating ang mga pilgrim ay naghihiyawan. Parang mga batang kumakaway sa eroplano na animo’y nakikita kami kung sino man ang sakay nito. Pero ilang beses iyon na kumaway at na-excite kami sa maling eroplano.

Pero hindi mo makikita sa mukha ng mga pilgrim ang disappoinment, dahil alam naming darating ang Santo Papa. Parang pag-ibig, mga makailang beses ka sigurong iibig na akala mo ay iyon na tapos hindi pa pala. Pero tuloy ka lang na pagsubok na magmahal dahil alam mong baling araw ay darating din ang tunay at wagas mong pag-ibig.

Noong magsimula ang Misa na pinangunahan ng Santo Papa, lahat ay tahimik at buong pusong nakinig at nakiisa. Parang pag-ibig, minsan ay kailangan ng katahimikan para lang damhin ang nadarama ng kalooban.

Pagkatapos ng Misa, nag-ikot na ang popemobile. Kanya-kanya nang gitgitan at sampahan kaming mga gustong makita ang Santo Papa. Yung tiyahin ko nga sumasampa na sa barikada. Tapos kami nung mga katabi ko kanya-kanyang gitgitan at tulakan, wala kaming pakialam kung nasasaktan na kami masilayan lang ang Santo Papa. Parang pag-ibig, dapat handa kang masaktan. Kasama iyon para sa pagtatagumpay ng pag-ibig.

At sa puntong nakita ko na ang Santo Papa, lalo na ang tinatawag na “Pope Smile” parang kung may anong pumawi sa lahat ng puyat at pagod na nadama ko sa magdamagang paghihintay na may kasama ang ulan. Parang pag-ibig, kapag dumating na ang tunay at wagas mong pag-ibig lahat ng sakit at luha na naranasan mo sa mga nakaraan ay mapapawi.

Oo, nakita ko ng malapitan ang Papa. Tatlong beses. Wala ako ni isang litrato na sarili kong kuha dahil hindi talaga ako nag-abalang kunan ng litrato. Pero kung pipikit ako, kayang-kaya kong alalahanin ang detalyadong mukha niya nang nakangiti. Isa pa, hindi naman porke’t wala akong litratong kuha ay hindi ko na nakita ang Santo Papa. Parang pag-ibig, minsan mas masarap iimbak sa sariling memorya ang mga ala-ala ng pag-ibig kay sa iimbak sa memory card. Hindi naman porke walang litratong pinanghahawakan, wala nang pag-ibig. Dahil naniniwala akong ang tunay na pag-ibig ay hindi “for show lang.”

Sa totoo lang, mga dalawang araw bago kami lumipad papuntang Tacloban hindi namin alam ang ginagawa namin. Pakiwari yata namin ay basta lang kami pupunta doon at dadalo sa Misa. Buti na lang tinanong ako ng kaibigan ko sa Tacloban kung nakapagpalista na kami kasi kailangan daw iyon. Kaya kami naman ng tiyahin ko ay nagtatatawag sa mga kakilala sa Tacloban para makahanap ng tulong para makapagpalista upang makadalo sa Misa ng Santo Papa. Pinalista kami ng kaopisina ko, at pinalista din kami ng kaopisina ng tiyahin ko.

Noong araw naman ng pagdating namin sa Tacloban ay gumawa talaga kami ng paraan upang makakuha ng ID na kailangan para makapasok sa venue. Sinamahan ako ng kaopisina kong magpunta sa chancery office para magpalista pero sarado na raw. Sa kabutihang palad, ang kaopisina ng tiyahin ko ay may kakilala sa isang parokya kaya natulungan niya kami.

Awa ng Diyos, bandang huli ay nakakuha kaming lahat ng ID bilang passes. Kahit pa ilang tao ang aming naabala at ilang oras ang aming hinintay ayos lang. Parang tumulong din ang universe para magka-ID talaga kami. Parang pag-ibig, kung para sa iyo talaga gagawa ng paraan ang tadhana para magtagpo kayo. Pero hindi sapat iyon, dapat kumilos ka rin upang tulungan ang tadhana para sa ikatatagumpay ng pag-ibig mo.

Parte ng homily ni Pope, “I know it’s late, but I’m here.” Parang pag-ibig, medyo ma-late man ang dating sa buhay mo, once na dumating na eh masasabi mong sulit the wait.” Rappler.com

Guia is a working professional on weekdays and a jungle woman on weekends. She loves to think out loud using the keyboard. Her mantra in life, “Masaya ang mabuhay, kaya mabuhay tayong masaya.”

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!