Filtered By: Topstories
News

Bicol region, nakaranas ng hagupit ni bagyong 'Amang'


Binayo ng malalakas na ulan at hanging dala ng bagyong "Amang" ang ilang bahagi ng Bicol region. Dahil sa pag-ulan, mahigit 3,000 pamilya ang kinailangang ilikas dahil sa banta ng lahar.

Sa ulat ni GMA News resident meteorologist Nathaniel "Mang Tani" Cruz sa GMA News 24 Oras nitong Linggo, sinabing umabot sa hanggang dibdib ang baha sa ilang bahagi ng lalawigan ng Albay.

Sa Bulan, Sorsogon, nagmistulang ilog ang ilang kalsada dahil sa pagbaha.

Ayon sa PAGASA, bahagyang humina si "Amang" matapos mag-landfall ng tatlong beses sa bansa.



Huling namataan ang bagyo 35 kilometro hilaga-hilagang kanluran ng Daet, Camarines Norte.  Nabawasan din ang dala nitong hangin sa 65 KpH malapit sa gitna, at may bugsong aabot sa 80 KpH.

Kumikilos ito pa-hilaga-hilagang kanluran sa bilis na 15 KpH. At mababa na umano ang tiyansang mag-landfall sa Aurora-Isabela area, ayon sa pagtaya ng PAGASA.  

Gayunman, nakataas pa rin ang public storm warning signal number 2 sa Camarines Norte, Northern Quezon province, kabilang ang Polillo Island at Aurora.

Bukod sa malakas na ulan at hangin, posible rin ang storm surge na aabot sa dalawang metro.
Nakataas naman ang signal number 1 sa Camarines Sur, nalalabing bahagi ng Quezon, Marinduque, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Nueva Ecija, Quirino, Isabela, at Metro Manila.

Maging I'M Ready sa flash floods at landslides dahil sa malalakas na ulan at hangin.

Nagbabala rin ang PAGASA sa mataas na alon sa dagat na posibleng umabot sa limang metro. Nananatili ring delikado ang pumalaot sa buong seaboards ng luzon at ng Samar province.

Inaasahang magpapatuloy ang maulang panahon sa Cordillera, Cagayan Valley at eastern section ng Calabarzon Region.

May tiyansa rin ng mahihinang pag-ulan sa Metro Manila.

Magiging mas maaliwalas naman ang panahon sa iba pang bahagi ng Luzon at Visayas.
Posible naman ang thunderstorms sa Mindanao lalo na sa hapon.