Filtered By: Topstories
News

Hiling ni Pope Francis sa mga taga-Leyte bago umalis: 'Pray for me, be quiet'


Humingi ng paumanhin si Pope Francis sa mga taong nagtungo sa Leyte makaraang mapadali ang kaniyang aktibidad sa lalawigan nitong Sabado bunga ng masamang lagay ng panahon.
 
Nagtungo sa Leyte ang Santo Papa sa ikatlong araw ng kaniyang pananatili sa Pilipinas upang bisitahin at makiramay sa mga naging biktima ng bagyong "Yolanda."
 
ipinaalam ng Santo Papa ang pagbabago ng kaniyang schedule sa bayan ng Palo, ang ikalawang lugar na kaniyang pinuntahan matapos ang Tacloban, kung saan nagtipon-tipon ang mga debotong nag-aabang sa kaniya.
 
“I have to tell you something that displeases me," sambit niya sa mga tao na hindi nagpatinag sa ulan makita lamang ang Santo Papa. 
 


“The plan today was the plane was going to leave at 5 in the afternoon. There’s a second grade typhoon around us unfortunately, and the pilots of the airplane have insisted that we have to leave at 1 o’clock,” pahayag ni Pope Francis sa pamamagitan ng isang translator.
 
Dagdag pa niya, “I am told that after 1 p.m. it (weather) is going to get much worse.”
 
Hindi naman naitago ng mga tao ang malungkot sa narinig na balita, ngunit sinubukan pa rin ni Pope Francis na pagaangin ang kanilang kalooban at nagbiro.
 
“I ask you for two things, please, first, pray for me. Second, be quiet,” aniya, na sinundan ng tawanan at hiyawan mula sa mga taong nagtipon-tipon sa Palo Cathedral.
 
Bago tuluyang lisanin ang Palo, humingi ng paumanhin ang Santo Papa at sinabing labis siyang nalulungkot sa balita. Sa huli, inanyayahan niya ang mga deboto na ipagpatuloy ang pagdarasal sa Inang Maria.
 
Ayon kay Pope Francis, “I apologize to you, I am sad about this, truly saddened, because I had something prepared specially for you. But let us leave everything in the hands of the Lady, because I have to go now.”
 
Matapos magdasal ng Aba Ginoong Maria kasama ang mga deboto, naghandog ng regalo ang simabhan sa Santo Papa: isang imahen ng Our Lady of the Immaculate Conception na gawa sa kahoy mula sa bahagi ng simbahan na nasira dahil sa pananalanta ng bagyong Yolanda noong 3013.
 

LINK: https://twitter.com/cbcpnews/status/556306353942061057

Gayundin, naghandog ng regalo si Pope Francis sa mga mamamayan ng Palo: isang mosaic ng Our Lady of Popolo. -- BRDabu/FRJ, GMA News