Filtered By: Showbiz
Showbiz

Former sexy star Aya Medel, balik sa pag-arte sa Magpakailanman




Matapos mawala sa showbiz ng ilang taon para tutukan ang pag-aaral bilang chef at ang itinayong negosyong restaurant, magbabalik sa pag-arte ang dating sexy star na si Aya Medel sa isang episode ng Magpakailanman, na tatalakay sa isang pamilya na sinubok ang katatagan sa nangyaring tsunami sa Japan noong 2011.
 
Sa episode, na “Ang Ina sa Gitna ng Tsunami," tatalakayin ni Tita Mel Tiangco ang buhay ni Lovely Pineda-Ishii, isang Pinay at ina na malalagay sa peligro ang buhay ng pamilya dahil sa matinding kalamidad na nangyari sa Japan dulot ng tsunami.


 
Gagampanan ni Aya ang papel bilang kaibigan ni Sunshine Dizon, na siya namang gaganap bilang si Lovely.  Kasama rin si Gabby Eigenmann na gaganap sa karakter bilang mister ni Lovely, at ang StarStruck V Avenger na si Nina Kodaka.
 
“Ang Ina sa Gitna ng Tsunami: the Lovely Ishii Story,” ay kinunan nang buo sa Japan.
 
Basahin: Aya Medel: Sex symbol noon, Chef Aya na ngayon
 
Sa Sabado, December 13, samahan si Tita Mel sa pagtuklas sa buhay ni Lovely, isang Pinay na nakahanap ng pag-ibig at bumuo ng pamilya sa tinaguriang Land of the Rising Sun. Anu-ano ang kaniyang mga pinagdaanan para makamit ang isang maayos at masayang buhay.

Gaya ng maraming Pilipino na nangibang-bayan, ang maiahon sa buhay ang pamilyang iiwan sa Pilipinas ang dahilan ng paglipad ni Lovey sa Japan.

Sa Japan, nahanap si Lovely ang pag-ibig ng isang Hapon at bumuo sila ng isang pamilya.

Pero dahil sa cultural differences nina Lovely at asawang hapon, mauuwi sa hiwalayan ang kanilang pagsasama, at itataguyod niyang mag-isa sa Japan ang kanilang tatlong anak at patuloy na matulungan ang mga naiwang mahal sa buhay sa Pilipinas.

Sa kaniyang paghiwalay sa asawa, mawawala na rin ang oras ni Lovely sa kaniyang mga anak—at ang mga bagay na hindi niya nagustuhan sa asawa niya, ay siya na rin niyang ginagawa.

Hanggang sa dumating ang tsunami sa Japan noong March 2011, kung saan nasira ang nuclear power plant na malapit sa tinitirahan nila Lovely.

 


Kakalat ang radiation sa kanilang lugar at kakailanganin ni Lovely gumawa ng desisyon kung paano ililigtas ang kaniyang mga anak.

Sa panahon ng kalamidad na may mga pamilyang nagkakawatak-watak. Mapabilang kaya rito ang pamilya Lovely? o maging daan ang krisis na ito upang mabuong muli ang kanilang pamilya?

“Ang Ina sa Gitna ng Tsunami: the Lovely Ishii Story” ay idinirek ni Bb. Joyce Bernal, mula sa panulat ni Jason John Lim, at base sa pananaliksik ni Mona Coles-Mayuga.

Mapapanood ang Magpakailanman sa Sabado, December 13, pagkatapos ng Pepito Manaloto.
LOADING CONTENT