Filtered By: Showbiz
Showbiz

Horror attraction na 'Kubot,' binuksan na sa publiko sa isang theme park sa Laguna


May panibagong atraksiyon ang isang kilalang theme park sa Santa Rosa, Laguna. Ito ay ang horror house na halaw sa inaabangang pelikula ni Dingdong Dantes na, "Kubot: The Aswang Chronicles 2."

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing binuksan na sa publiko sa Enchanted Kingdom ang horror attraction na tahanan ng mga "Kubot."

Bago nito, ipinatikim muna sa mga dumalo sa pagbubukas ng horror theme park ang unang installment ng pelikula ni Dingdong na, "Tiktik: The Aswang Choricle."



Sa "Kubot...," muling magbabalik ang karakter ni Dingdong na isang aswang killer. Pero hindi lang daw isang uri ng aswang ang haharapin ng karakter ng aktor, kung hindi iba't ibang uri ng aswang na base sa nagpasalin-salin kuwento na sa paglipas ng panahon.

Kabilang naman si Dingdong at si Julie Anne San Jose sa mga nakisaya at nakipagtakutan sa pagbubukas ng "Kubot" horror house.

Ang "Kubot: The Aswang Chronicles 2," ay entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa darating na Disyembre. -- FRJ, GMA News