Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dingdong Dantes, nakapili na ng gagawa ng kaniyang isusuot sa kasal


Nakapili na ng designer ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes na gagawa ng kaniyang isusuot sa kasal nila ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

Sa "Chika Minute" report ni Cata Tibayan sa GMA news 24 Oras nitong Sabado, sinabing si Randy Ortis ang napili ni Dingdong na tatahi ng isusuot niya sa kasal.

Nitong Sabado ay nagkita ang dalawa para pag-usapan ang tungkol sa magiging kasuotan ng aktor.

Ayon kay Dingdong, naging bahagi ng kaniyang mga narating ang mga obra ni Randy kaya naman wala raw siyang ibang nasa isip na gagawa ng isusuot niya sa espesyal na araw ng kasal kung hindi ang batikang designer.

“Bawat highlight at milestone sa buhay ko dahil kasama ko rin ang kaniyang likha that is why on my very special day, wala nang ibang gustong maisuot kung hindi ang kaniyang gawa,” anang aktor.



Tanggap naman ni Randy na magiging challenge sa kaniya na maigawa si Dingdong ng kasuotan na magpapalutang sa aktor sa araw ng kasal nito.

"You’ll be flooded with all your guests, with everyone there wearing a suit because it’s going to be a black tie event. But at the end of the day, he has to stand out, and I guess that is the challenge that I have to take,” pahayag ni Randy.

Sapat naman daw ang dalawa at kalahating buwan na preparasyon para mabuo ang isa o dalawang Amerikana ni Dingdong.

Tinatapos na rin ng Royal Couple ang listahan ng kanilang entourage at mga iimbitahan sa wedding.

Ang malapit na kaibigan ni Dingdong at fellow co-star sa pelikulang "Kubot the Aswang Chronicles" na si KC Montero ay kabilang sa magiging groomsmen.

Ayon pa sa ulat, nangako ang couple sa kanilang fans na patuloy ang gagawin nilang pagbibigay ng updates sa pamamagitan ng kanilang social media sites tungkol sa paghahanda sa kanilang kasal.

Samantala, kahit napapasama ang pangalan ni Dingdong sa mga survey bilang posibleng kandidatong senador, sinabi ng aktor na ang prayoridad sa ngayon ay ang pagbuo ng pamilya at hindi pulitika. -- FRJ, GMA News