Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian, gustong mabuntis agad pagkatapos ng kasal nila ni Dingdong; Ryzza Mae, kasali sa kasal


Matapos ang unang bridal shower ni Marian Rivera sa Hongkong at ang sorpresang ikalawang bridal shower ng inihandog sa kaniya, handang-handa na ang Kapuso Primetime Queen na magpakasal at bumuo ng kaniyang pamilya.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras," inamin ni Marian na gusto na niyang magbuntis agad pagkatapos ng kasal nila ng fiancé na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes sa darating na Disyembre.

Aniya, “Para at least, 'pag nagbuntis ako, yung mga anak ko lalaki sila na hindi naman malayo sa age ko. Para at least kahit papaano naman, ma-guide ko sila.”



Samantala, inilabas na ang ilan pang detalye sa kasal nina Dingdong at Marian, kabilang na ang pagkakaroon ng 22 pares ng ninong at ninang, at limang artista lamang ang nasa kanilang entourage.

Pero nananatiling sikreto pa ang motif ng kasal ng magkasintahan.

Samantala, nag-volunteer naman daw si Ryzza Mae Dizon na maging flower girl sa kasal ng dalawa, na agad namang tinanggap ni Marian.

Natutuwa at nagpapasalamat rin ang aktres sa dami ng nagvo-volunteer at nagre-regalo para sa kasal ni ni Dingdong.

“Hindi ko na yata kailangang bumili. From bahay, appliances, lahat na. Hanggang sa damit ko, sa accessories ko, parang binigay na yata nila lahat sa akin,” masayang kuwento ni Marian. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News