Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Lance at Rannie Raymundo sa 'Powerhouse'




POWERHOUSE
RANNIE AT LANCE RAYMUNDO
Date of Airing: September 17, 2014

 
Ni minsan ay hindi pa raw sila nag-away sa buong buhay nila kahit pa nga nakatira sila sa iisang bubong. Ngayong Miyerkules, pasukin ang bahay at humanga sa pambihirang relasyon ng magkapatid na sina Rannie at Lance Raymundo.

 Si Rannie ang sumulat ng sikat na kanta ni Dingdong Avanzado na "Tatlong Bente Singko" at ang umawit ng 90s lovesong na "Why Can't It Be?".

Hilig din niya ang mag-magic kaya magpapakitang-gilas siya ng kanyang kakaibang tricks.

Idolo naman ni Lance ang kanyang kuya kaya nahilig din siyang sumulat ng mga kanta at sinubukan na rin ang pag-arte. Naging matunog ang pangalan ni Lance nang ma-aksidente siya matapos madaganan ng barbell ang kanyang mukha. Mas gugustuhin niya raw na mabuhay kaysa maibalik ang dating mukha pero natuwa siya sa resulta ng surgery dahil mas gumuwapo pa nga raw siya ngayon.

Ipasisilip ng magkapatid ang kanilang dalawang palapag na bahay sa isang exclusive subdivision sa San Juan . Kahit na may sariling bahay na si Rannie ay mas pinili pa rin niyang manirahan kasama ang kapatid. Si Ramon Antonio ang nagdisenyo ng kanilang tahanan na country ang tema.  Ang ilang gamit nila ay mula pa sa Hongkong. "Very homey" kung ilarawan nang magkapatid ang loob ng kanilang tahanan. Pero ang pinakapaborito nilang tambayan ay nasa labas kung saan makikita ang kanilang swimming pool. Dito raw kasi sila nagsasama-samang pamilya para kumain.

Samahan ang award-winning journalist na si Kara David sa isang episode na puno ng musika at mahika kasama ang magkapatid na sina Rannie at Lance Raymundo sa Powerhouse ngayong Miyerkules, September 17, 4:35 PM, sa GMA-7.