Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga kababayan nating maituturing na bayani, kikilalanin sa 'Motorcycle Diaries'


#MotorcycleDiaries
August 28, 2014


Ngayong Huwebes, samahan si Jay sa isang paglalakbay para kilalanin ang mga Pilipinong hindi man nag-alay ng kanilang buhay, ay patunay naman ng kanilang kabayanihan ang determinasyon at sakripisyo para sa tumulong ng kapwa.
Dalawang dekada ng guro sa elementarya si Titser Fe.  Mula Lunes hanggang Biyernes hindi bababa sa isandaang estudyante ang tinuturuan niya sa bawat araw at sa kabila ng maliit na sahod, walang pagod sa pagtuturo sa eskwela si Titser Fe.  Ito na raw kasi ang kanyang misyon sa buhay---ang ihanda ang kabataan para sa mas magandang kinabukasan.  Sa katunayan maging ang mga kabataang hindi pumapasok sa eskwelahan ay kanyang hinihimok na mag-aral bumasa at magbilang.  Kaya tuwing Sabado at Linggo, kasama ang kanyang asawa ay nagtutungo sila sa ilalim ng tulay, sa kalye at community center para magturo sa mga kabataang walang kakayahang pumasok sa eskwelahan.  Maging ang mga magulang ng mga batang kanilang tinuturuan, nakikinig din sa kanilang klase.

Mga asong kalye naman ang kinukupkop ng sisenta’y singko anyos na si Mang Jun. Higit sa pagiging alaga, itinuturing niya ang kanyang mga aso na parang sarili na ring mga anak.  Sila na lang daw kasi ang kanyang pamilya dahil mag-isa na lamang namumuhay si Mang Jun.  Sa loob ng limang taon, labinlimang aso na ang kanyang iniligtas, inampon at inaruga.  Sama-samang nagsisiksikan si Mang Jun at kanyang mga aso sa munting kariton na nagsisilbi nilang tirahan.  Sa kabila nito, para kay Mang Jun, sa lansangan kasama ng mga inabandonang aso nabuo ang tahanang kanyang inaasam.

Mahigit isandaang tao naman na ang natulungan ng sisenta’y singko anyos na si Nanay Fista.Hindi man niya kilala ang mga kumakatok sa kanyang pintuan, bukas kamay daw niyang pinatutuloy sa kanyang tahanan ang mga kababayang nangangailangan.  Taong 1987 nang buksan niya ang kanyang tahanan sa humihingi ng tulong, pinaiinom at pinakakain niya ang mga tao at pamilyang kanyang kinukupkop.  Sa katunayan naibenta na niya ang kalahati ng kanyang ari-arian para lamang suportahan ang mga taong kinupkop.  Pero sa kabila nito, lubos naman ang ligayang kanyang nadarama sa pagtatagumpay ng mga taong kanyang natulungan, tulad ng mga kinupkop niya na naging guro, nurse, doktor at engineer.

Hindi naman hadlang ang kahirapan para sa walong taong gulang na si Joanna para abutin ang simpleng pangarap sa tuwing pumapasok sa eskwela.  Napupuno siya ng sigla sa tuwing nakikinig ng aralin sa klase at simpleng hiling niya---ang makapag-ipon ng pambili ng pamalit sa sira niyang bag at pudpod na sapatos pang-eskwela.  Dahil hindi sapat ang kinikita ng kanyang ama para sa pang-araw-araw nilang gastusin, tuwing walang pasok ay naglalako siya ng banana cue at kakanin mula umaga hanggang gabi para lamang kumita.  Bawat pisong naiipon niya ay inilalaan para tuparin ang simpleng hiling para sa sarili.  Sinisikap niya ring makapagtapos para matulungan ang kanyang pamilya balang araw.

Samahan si Jay na alamin ang mga kuwento ng determinasyon at sakripisyo ng mga kababayan nating maituturing na bayani sa kanilang simpleng  paraan ngayong Huwebes 10 PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!