Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tuksuhan nina Eugene Domingo at Jose Manalo, mauwi kaya sa totohanang pag-iibigan?


"Pwede." Ito ang mabilis na sagot ni Eugene Domingo nang tanungin ni Jose Manalo kung gusto ba ng actress-comedienne na totohanin ang love team nila sa patok na GMA game show na "Celebrity Bluff."

Sa taped interview sa dalawa sa "Startalk" na ipinalabas nitong Sabado sa GMA-7, nagpasalamat sina Jose at Eugene sa patuloy na pagsuporta ng publiko sa kanilang tambalan at sa game show.

Katunayan, may mga tagasuporta na ang kanilang love team na tinawag na "JoGe."

Ayon kay Eugene, hindi niya pinipilit kung ano man ang napapanood na lambingan nila ni Jose sa telebisyon.

"Basta ako honest lang ako sa nararamdan ko. Kung ano ang nakikita niyo sa tv yun 'yon... hindi 'yon pinipilit," anang batikang aktres.



Dagdag pa niya, "Saka hindi naman siya [Jose] mahirap magustuhan."

Ayon naman kay Jose, tapat din naman siya sa ipinakikita niya sa telebisyon. Gayunpaman, may biro siyang pangamba.

"Siyempre sa katayuan ko natatakot na 'ko e...alam niyo naman nangyari sa buhay ko, baka isa pa 'to," sabay tingin ni Jose sa katabing si Eugene.

Ang tinutukoy ni Jose ay ang pagkakahiwalay nila ng kaniyang asawa na nauwi pa sa demandahan.

Para kay Jose, walang nakakaalam kung mauuwi sa totohanan ang kanilang tuksuhan.

Pero nang tanungin ni Jose si Eugene kung gusto nitong mauwi sa totohanan ang lahat, mabilis na sagot ng aktres, "Pwede."
 
Para kay Jose, nakasalalay sa babae ang kauuwian ng isang relasyon.

"Kahit anong gusto ng lalaki kung ayaw ng babae walang magagawa di ba?," aniya.

Magkaroon nga kaya ang katuparan ang wish ng marami nilang tagahanga na mauwi sa totohanan ang tambalang "JoGe?" Abangan. -- FRJimenez, GMA News