Filtered By: Topstories
News

Batikang actor-director na dating sundalo at nadestino sa Japan noong WW II


Kilala niyo ba kung sino ang batikan at premyadong actor-director na bago nakapasok sa Philippine showbiz ay naging kasapi muna ng hukbong militar na konektado sa Amerika at nadestino sa Japan noong World War II?

Bago naging artista at umarte sa kaniyang kauna-unahang pelikulang "Siete Infantes de Lara" noong 1950, naging sundalo muna ng Philippine Scout (PS) ang batikan at premyadong actor-director na si Eddie Garcia, o Eduardo Verchez Garcia sa tunay na buhay.

Noong WWII, ipinadala pa ang kinabibilangang unit ni Eddie sa Okinawa, Japan.

Ang Philippines Scout ay isang sangay ng organisasyong militar ng Amerika na itinatag noong 1901 para labanan ang mga nagrerebeldeng Pilipino. Pinanatili ito ng US hanggang magwakas ang WW II.

Sa pagtatapos ng digmaan, nagkaroon ng pagkakataon si Eddie na mapasama sa kaniyang kauna-unahang pelikula na "Siete Infantes de Lara" na tinatampukan din nina Mario Montenegro, Johnny Monteiro, at Manuel Conde, na siya ring direktor ng pelikula.

Mula noon, hindi na bumalik sa pagsusundalo si Eddie at "the rest is history" ika nga sa kanilang naging matagumpay na karera sa showbiz. -- FRJ, GMA News
Tags: pinoytrivia