Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dingdong Dantes, may panawagan sa kabataan


Hinikayat ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes ang kabataan na magparehistro ngayon pa lang para makaboto sa 2016 elections.

Sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing pinangunahan mismo ni Dingdong ang voter registration ng Commission on Electons (Comelec) sa Davao city nitong Martes.

Bilang commissioner-at-large ng National Youth Commission, hinikayat ng aktor ang mga kuwalipikadong kabataan na edad 18-anyos pataas na ngayon pa lang ay magparehistro na upang makaboto sa 2016 elections.

Magkatuwang ang Comelec at NYC sa programa para sa maagang pagpapatala ng mga botante.

Ayon sa NYC, malaki ang papel na gagampanan ng mga kabataan sa pagpili ng mga susunod na lider ng bayan sa eleksyon.



"What we're doing is dinadala namin dito yung mga machines para yung mga kabataan pwede nang magparegister ngayon pa lang, because there is a new system na kailangang magpa-biometrics ang lahat," paliwanag ni Dingdong.

Nagpasalamat din ang aktor sa mainit na suportang natatanggap ng pinagbibidahan niyang teledramang "Ang Dalawang Mrs. Real," kung saan kasama niya sina Maricel Soriano at Lovi Poe.

Kasabay nito, inihayag din ng aktor ang pagiging proud boyfriend ni Marian Rivera matapos na hiranging "sexiest Pinay" ng FHM Philippines sa ikatlong pagkakataon.

Ayon sa aktor, very proud siya kay Marian at hindi na raw niya ikinagulat ang pagkapanalo nito sa ginanap na botohan. -- FRJ, GMA News