Filtered By: Topstories
News

Pinangambahang SARS outbreak sa bansa noong 2003


Alam niyo ba na mayroon lugar sa Pangasinan na isinailalim sa quarantine o nilimitahan ang galaw ng mga tao nang magkaroon pangamba na kumalat ang kinatatakutang virus na Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS noong 2003.

Abril noong 2003 nang pormal na alisin ng Department of Health ang pag-quarantine sa tatlong sitio sa isang barangay sa bayan ng Alcala, Pangasinan, na tumagal ng may dalawang linggo.

Ang paglimita sa galaw ng mga tao sa nabanggit na lugar ay bunga ng pangamba na kumalat ang SARs virus makaraang mamamatay sa sakit ang dalawang residente rito na kauuwi pa lang sa bansa at nanggaling sa Canada.

Bilang pag-iingat, masusing sinubaybayan ang mga kaanak, kapitbahay, at mga kalugar na posibleng nakasalamuha ng dalawang nasawi.

Upang ipakita na ligtas na sa virus ang lugar, nagtungo mismo sa barangay ang noo'y Pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo (kongresista na ngayon ng Pampanga). Kasama ang iba pang opisyal, nakipagkamay sila sa mga tao nang walang anumang suot na proteksiyon sa virus tulad ng face mask o gloves.

Matapos ang pagmonitor sa SARS sa bansa, nakapagtala ang Department of Health ng 14 na kompirmadong kaso ng SARS, at dalawa dito ang pumanaw. -- FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia