Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ang cute na si Pagaspas ng 'Mulawin' noon,  binatilyong si 'Niño' na ngayon




Unang pagsabak sa showbiz ni StarStruck Kids First Prince Miguel Tanfelix sa telefantasya series na Mulawin bilang Pagaspas. Makalipas ang ilang taon, ang cute at talented na batang ito ay isa nang binata at bibida na sa GMA Telebabad soap na Niño. 

Mapungay ang mga ni Miguel kaya’t maraming manonood ang natutuwa sa kanya noong nagsisimula pa lamang siya sa StarStruck Kids. Sabi ng marami, nakadaragdag daw ang mga mata ni Miguel sa pagiging mabait niya kaya’t marami ang may paborito sa kanya. Nakilala pa nga siya noon bilang si tabachingching dahil medyo malusog siya noon.

Hindi man si Miguel ang nag-uwi StarStruck Kids Ultimate Survivor title, siya naman ang nagkaroon ng kauna-unahang show sa ibang lalaking finalists ng talent-search show. Dahil sa ipinakitang galing ni Miguel, kinuha siya sa Mulawin kasama ng kanyang ka-batch sa StarStruck Kids na si Sam Bumatay, para gumanap na isang ibon.

Sa interview ng StarTalk kay Miguel noong nakaraang Linggo, ikinuwento niya ang kanyang experience bilang cast member ng Mulawin. “'Yun po kasi ‘yung pinaka-first na ginawa ko na teleserye po. Napaka-memorable po, kasi ‘yun po ‘yung nakatrabaho ko po ‘yung big stars katulad nila Richard Gutierrez, si Angel Locsin, kasama rin po ‘yun. Ang saya. Doon ko po naranasan mag-trabaho nang masaya”

Limang taong gulang lang noon si Miguel kaya naman napabilib niya ang marami sa pagganap niya kay Pagaspas. Lumipas ang halos walong taon, iba’t ibang young roles ang ginampanan ng batang aktor. Ilan dito ang Majika (Young Jimboy), La Vendetta (Young Junjun), Ikaw Sana (Young Michael), Langit sa Piling Mo (Young Thirdy) at Makapiling Kang Muli (Young Martin).

Pero noong 2013, lalong gumuwapo si Miguel dahil nagbinata na siya. Dahil dito, ibinigay na sa kanya ang roles na babagay sa itsura niya tulad ni Joko ng Paroa: Ang Kuwento ni Mariposa at Marco Salvador ng Love and Lies.

Dahil nakitaan ng potensiyal si Miguel bilang isang magaling na aktor, ibinigay sa kanya ang isang character na babago sa kanyang image – si Niño. Mula sa isang ibon, ngayon ay gagampanan niya na ang isang teenager na mayroong mahalagang misyon para sa ibang tao.

Abangan ang pagganap ni Miguel Tanfelix kay Niño, soon on GMA Telebabad. -- Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com