Filtered By: Newstv
NewsTV

'Reel Time' presents: 'Karera sa Langit'


AIRING DATE: MARCH 30, 2014
AIRING TIME: 8:00 PM
 

Ano nga ba ang tunog ng pumapagaspas na pera?
 
Madalas tayong makakita ng mga kalapati na lumilipad sa kalangitan, nakakalat sa lansangan o dumadapo sa ating mga bubungan.  Pero alam niyo bang bukod sa pagiging simbolo ng kapayapaan, ikinakarera din sila?
 
Isang uri ng sport ang pigeon racing.  Gamit ang mga pangarerang uri ng mga kalapati, dinadala sila sa malayong lugar at paunahang makauwi sa bahay ng kanilang mga tagasanay.
 
Isa si Burding sa mga nahumaling sa sport na ito. Noong una, ang pag-aalaga ng kalapati ay kanya lamang libangan, hanggang sa magsilbi na itong pagkakakitaan.  Nagkasakit ng plasma anemia ang kanyang asawa na maaaring maging leukemia o cancer sa dugo kung hindi maaagapan.
 
Hindi sapat ang kinikita ni Burding sa pagmamaneho ng tricycle kaya’t isinanla na nila ang kanilang lupa at bahay para tugunan ang gastusin ng gamutan. Ngayong hirap pa rin silang ituloy ang gamutan at nanganganib mapaalis sa kanilang tinitirhan, ang manalo sa karera ng kalapati ang kanilang inaasahan.
 
Minsan namang nag-alsa balutan ang asawa ni Carlo.  Ang dahilan, mas inuuna pa raw kasi ng asawa ang mga kalapati kaysa sa kanilang pamilya.  Walang trabaho, aminado naman si Carlo sa pagka-adik niya. Pero giit niya, kikita naman daw siya kapag nanalo sa karera.
 
Karangalan kung ituring naman ni Egay ang manalo sa karera ang kanyang mga kalapati. Mayaman at isang negosyante, big time kung ituring si Egay sa mundo ng pigeon racing sa Pilipinas. 
 
Bukod sa nagkakahalaga ng libo-libo ang kanyang mga pangarerang kalapati, isang mala-palasyong kulungan ang kanyang ipinatayo para sa mga alaga.  Animo’y mga hari at reyna, may mga taga-alaga pa ang mga kalapati niya.
 
Ngayong Linggo, gaganapin ang itinuturing na pinakamalaki at prestihiyosong karera ng mga kalapati sa bansa.  Mula Mac Arthur sa Leyte, mag-uunahan ang humigit kumulang walong daang kalapati na makabalik sa Metro Manila.  Kabilang sa kanila ang mga kalapati nina Burding at Egay.
 
Matutubos na kaya nila Burding ang kanilang bahay? Maiabot na kaya ni Carlo ang premyo sa nagtatampong asawa? O mananatili ang kasikatan ni Egay sa muling pagkapanalo ng mga kalapati niya? Makakabalik kaya ang mga kalapati nila?
 
Sa iba, ang kalapati ay laman tiyan.  Libangan para sa karamihan pero sa ilan, higit sa kaligayahan, sila ay pagkakakitaan.
 
Ngayong Linggo sa #ReelTime, panahon na para maiba. Hindi sa karagatan o kalupaan, kundi sa langit magaganap ang tunggalian.  Bawat pagaspas ng pakpak, ang katuparan ng mga pangarap.

Tunghayan ang pinakamatayog na unahan, #KareraSaLangit sa #DiretsoAlasOtso sa Linggo, March 30, sa GMA News TV.
Tags: plug