Filtered By: Showbiz
Showbiz

Frontal nudity, nagtulak kay Klaudia Koronel para talikuran ang pagpapa-sexy sa pelikula


Kainitan at kasikatan ng dating sexy actress na si Klaudia Koronel nang bigla niyang iwanan ang pagpapa-sexy matapos na gawin ang mapangahas na bold movie na "Live Show" (Toro), at nagdesisyon siyang bumalik sa pag-aaral para tapusin ang kolehiyo.

Sa isang episode ng GMA News TV's "Tunay Na Buhay, binisita ng host ng programa na si Rhea Santos si Klaudia sa tinutuluyan nitong condo unit na isa umano sa kaniyang mga naipundar.  Bukod sa pagpaparenta ng ilang condo unit, may homecare business din para sa mga nakatatanda sa Amerika ang dating sexy star.

Katunayan, sa Amerika na ngayon nakabase si Klaudia at umuuwi na lamang sa Pilipinas para sa kaniyang walong-taong-gulang na anak na lalaki na si Zandy.

Isinilang sa isang maliit na komunidad sa Zamboanga del Sur si Klaudia, na Milfe Dacula sa tunay na buhay.  Panganay siya sa anim na magkakapatid, at karpintero ang kaniyang ama at beautician naman ang ina.

Produkto ng broken family si Claudia nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang nang bata pa siya.

Nang umalis sa kanilang tahanan ang kaniyang ina, naiwan siya sa pag-aaruga ng kaniyang ama, na kalaunan naman ay lumuwas din ng Maynila at iniwan siya sa kaniyang lola.

Ikinuwento ng dating aktres ang mapait na karanasan ng kaniyang kabataan. Nakatikim siya ng pananakit ng kaniyang ama at kung minsan ay ikinakadena pa umano siya.

"Basta kukuha siya ng isang sandok hahampasin ka niya sa ulo. Tapos hihinto lang siya kapag may nakitang blood sa mukha mo, sa noo mo. Tapos iiyak siya, 'ikaw kasi,' ganyan. So maraming question bakit ka nanakit," pagbahagi niya.

Ang mga insidenteng iyo ang dahilan kaya nakaramdam siya ng galit sa ama nang panahong iyon.

Sa piling ng kaniyang lola, napagtuunan daw ni Klaudia ang kaniyang pag-aaral dahil naging istrikto daw ang matanda pero hindi naman siya pinabayaan. At sa kabila ng nangyari sa kaniyang pamilya, hindi raw naisipan ni Klaudia na magrebelde at nag-aral ng mabuti.

Ipinakita pa nga niya ang makipot na tulay na lagi raw niyang tinatawid noon kapag papasok ng paaralan. Kung minsan, napipilitan daw siyang tawirin ang ilog at dumaan sa mga basura kapag mataas ang tubig.

Nakipagsapalaran sa Maynila

Nang magdalaga, lumuwas din ng Maynila si Klaudia sa pagnanais na takasan ang kahirapan sa probinsiya.  Pero lingid sa kaniyang kaalaman, panibagong pagsubok ng kahirapan ang dadatnan niya sa kalunsuran.
 

Klaudia Koronel sa Tunay Na Buhay

Upang mabuhay, nagtrabaho si Klaudia bilang waitress sa isang restaurant. Dito niya nakilala ang producer na si Robbie Tan na naghahanap noon ng bagong artista na maaaring ipalit sa sikat noong sexy actress na si Rosanna Roces.

Pero dahil hindi naman niya pinangarap na maging artista, bukod pa sa pagiging mahiyain, sinabi ni Klaudia na tinanggihan niya ang naturang alok ng producer.

Subalit dahil na rin sa kahirapan sa kaniyang kinalalagyan at hindi magandang pagturing sa kaniya ng mga ka-lugar, nagbago ang isip ni Klaudia at tinanggap na ang alok ni Robbie, sa pag-asang mababago nito ang kaniyang buhay.

Hindi naman nagkamali si Klaudia, taong 1997 nang ilunsad siya bilang sexy star at nagsunod-sunod na ang kaniyang mga pelikula. Ilan lang sa kaniyang mga pinagbidahang sexy movies ay ang "Walang Dayaan, Akin Ang Malaki," "Linggo Lang Ang Pahinga," Anakan Mo Ako," "Kesong Puti", "Live Show (Toro)," at  iba pa.

Sa harap ng mga biyayang natanggap, hindi naging maramot at  hindi nakalimutan ni Klaudia na tulungan ang kaniyang mga kapatid, pati na ang kaniyang ama't ina.

Ngunit nang gawin ni Klaudia ang "Live Show," nagkaroon ng pagbabago sa pananaw ng aktres sa kaniyang trabaho na nagtulak sa kaniya para iwan ang pagpapa-sexy at bumalik sa pag-aaral.

Kwento niya, sinabihan siya ng kaniyang direktor na kailangan niya mag-frontal nudity at ipakita ang lahat ng kaniyang katawan. Utos umano iyon ng producer dahil iyon ang uso at sa ikagaganda ng pelikula.

Ngunit sadyang hindi raw talaga kaya ni Klaudia na magpakita ng lahat sa harap ng camera.

"Hindi ko talaga kayang tanggalin [ang saplot]. Parang sa tingin ko sa sarili, ganun na ba 'ko kababa? Ganun na ba ko ka-frustrated [na] kailangan ko pa bang ipakita ang baba [maselang bahagi ng katawan] ko... dumating ako sa point na sabi ko, 'hindi ko kaya,'" emosyunal niyang kwento.

Naunawaan naman daw siya ng kaniyang direktor at ang yakap nito ay nagpalakas daw ng kaniyang loob na mayroon siyang kakampi.

Sa sandaling iton, nakaramdam daw ng "proud" sa sarili si Klaudia at nakita niya na dumating na siya sa point ng kaniyang pagiging "matured."

Kaya kahit mainit ang career matapos gawin ang "Live Show," nagpasya siyang iwan na ang pagpa-sexy at binalikan ang pag-aaral.

Buhay estudyante

Kursong BS Computer Science ang tinapos na kurso ni Klaudia sa New Era University na apat na taong naging bahagi ng kaniyang buhay kolehiyo.

Kwento ni Klaudia, nagawa niyang tustusan ng maayos ang kaniyang pag-aaral sa unang taon sa kolehiyo. Pero sa mga sumunod na taon, nahihirapan na siya lalo na nang magdesisyon siyang tuluyan nang iwan ang showbiz pati ang mga TV guesting.

Upang makatipid, tumira siya sa isang dormitoryo na malapit sa pinapasukang paaralan.  Sa karinderya na may murang pagkain siya kumakain. Kung walang kasabay na mga estudyante, sinabi ni Klaudia na nagkakamay lang siya... dahil iyon umano ang tunay na siya.

Dumating din umano siya sa punto na magpapapirma ng promissory note para makakuha ng exam dahil wala pang pera na pambayad sa tuition.

Hindi naman nasayang ang  pagsisikap na iyon ni Klaudia nang magawa niyang makapagtapos ng kolehiyo noong 2005.

At ngayon, malayo na ang narating ng batang babae na mula sa Zamboanga.  May homecare business na siya sa Amerika at ilang pinapaupahang condo unit.

Pero ang pinakamagandang biyaya pa rin daw para kay Klaudia ay ang kaniyang anak na si Zandy, na ang tanging hangad niya ay hindi nito maranasan ang hirap na kaniyang pinagdaanan.

Labis ang pasasalamat ni Klaudia na nagawa niyang maisaayos ang kaniyang buhay. At payo niya sa mga taong humaharap din sa pagsubok, huwag mawalan ng pag-asa.

"Ikaw lang ang tutulong sa sarili mo... hindi naman tayo bibigyan ng Diyos ng mga problema kung hindi natin kayang harapin," ayon sa dating sexy actress na negosyante na ngayon. -- FRJimenez, GMA News
Tags: tunaynabuhay